Ang Bathala ng Karma

Nabighani ang Bathala ng Karma
sa maindayog kong mga kataga;
dinurog ang kanyang damdaming
walang pansariling mithiin,
maibigay lang ang nararapat
sa nakararami, sa lahat.

Napagkit ang kanyang paningin,
isang dipang langit kung ako’y tanawin
ngunit abot kamay, kanyang inialay —
buong kalawakang pagdamay
mapahupa lang ang sangpatak
na luha, na tumitimo sa utak.

Mundo’y nagulo sa kanyang ginawa;
nakalimot na nga ang Bathala.
Halip ako’y laanan ng karampot na pansin,
gawain niya’y nabinbin.
Nagalit ang angkan ng mga diyos
sa akin; ako’y tao lamang at kapos.

Ang Bathala ng Karma’y napasunod,
sa harapan ko’y napaluhod;
Iniwang bakas ng pagmamahal,
isinumpa niyang lubusang magtatagal.
mga huling pangako niya’y nakaukit
sa bato, at sa aking isip.

Ito ang sabi ng Bathala ng Karma,
tanda ng kanyang pagtalima:
“Sa bawat magbibigay sa iyo ng dusa,
kapalit ay balik ng isang minutong ligaya;
Sa magpapalawak ng iyong
mga ngiti, bawas sa hirap nyang sinusuong.

“Sinumang dahilan ng iyong pag-iyak,
sa pagtangis siya’y isasadlak.
Silang hangad ay ‘yong kabutihan,
gagantihan ko ng kasaganaan.
Ang magsasabi sa ‘yo ng kabalintunan,
sa kanya magtatago ang katotohanan.

“Ang mangako sa ‘yo at hindi tumupad,
sa kawalang katuparan mapapadpad.
Siyang kumanti at sa ‘yo’y manakit,
sa sakit din mamimilipit.
Ang hihilom sa bawat mong sugat
di makakaramdam ng bala o sibat.

“Aarugain ko ang iyong mga kaibigan,
mga kaaway mo’y pagkakaitan.
Sa magsasamantala ng iyong kahinaan
babawian ko ng lakas at tapang.
Mangusap ka sa kapalaran, aking ibibigay,
abot ng kapangyarihan kong taglay.”

Kay raming di ko maipaliwanag
sa isipang tunay na nabagabag,
ang isiping ako’y maging dahilan
upang ibigay, malubos ang kapalaran.
Ang tangi kong nasabi kay Bathala
ng Karma, sa gitna ng pagkabahala:

“Salamat sa turing at kakaibang pansin,
ngunit hayaang hatulan hindi dahil sa akin.
Ikaw ang Bathala, higit na nakakaalam
puso at isip ng bawat kasanggalang.
Hindi ko masusukat bawat kong sakit
at galak, sa kapalaran nilang makakamit.

“Kung may kapalarang nais kong pagibayuhin,
iyon ay sa Iyo, ito lang ang mahihiling:
Gawing karapat-dapat silang may kakayahang
magbigay ng kapanatagan sa sangkatauhan.
Hanguin sa siphayo ang puspos sa lungkot
Alisin sa kaisipan ang pangit at buktot.

“Ikaw nga, Bathala, ang may kapangyarihang
baguhin ang buhay ng pantas at mangmang;
Sa nararapat, ibigay ang kapalarang dapat
ipagpalibang ako ang gawing panukat.
Silang aking kahalubilo sa araw-araw
ay may iba ring buti sa iba naipataw.

“Muli, aking hiling, hindi lang para sa akin
kapalarang sasapitin, iyong marapatin.
Bawat gawa namin, taos-puso man o paimbabaw,
sukatin ng pantay ang aming isip at galaw.
Silang dahilan ng pagtangis ko at paghalakhak,
sa iba marahil may naibigay at nailagak.

“Aking pasasalamat, sana iyong tanggapin,
Iyong timbangin ang aking hiling.
Damdamin kong nakadama ng saya at pait,
nakikiusap na sana’y huwag ipagkait —
tanawin akong muli mula sa malayo
at sukatin din ako ng aking isip at puso.”

Advertisements

About walangmalay

Walang Malay is a figment of sentiments, of wonders and perplexities, of ideologies and dreams, of anything about something. Ako ito, walang malay... o nawalan ng kamalayan...

Posted on May 11, 2009, in Blogroll, Poetic Justice. Bookmark the permalink. 4 Comments.

  1. Tunay ngang isa sa katangian mo ang pagiging malalim. Kitang-kita sa gawa mo ang pagiging malaya at malawak ng iyong isip..Nakakatuwa at nakakasabik basahin ang iyong mga gawa, para bang mariwanang nakakaadik kapag natikman na, di mo na titigilang basahin.

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

%d bloggers like this: