Monthly Archives: May 2009

Limang Linya Lang

TUNAY

di mapepeke ang walang halaga
o walang kasing halaga
ang walang kapantay
o walang makakapantay
kung tunay.

NYETA

kalakip ng punyal ng alaala
tumatagis sa kalamnang nasasaktan
hindi maiwasan;
tuwing maiisip kita,
nyeta.

LIWANAG

napatanaw na naman sa sanlaksang kinang
ng mga bituing walang pakialam
sa dilim o lamig ng gabi
sila’y hindi duwag;
kanila ang liwanag.

BIGO

ikaw na laging nariyan
lagi kong nasusumpungan,
ikaw na naghahanap din;
hanggang kailan tayo pareho —
bigo.

SALAMAT

sa walang oras mong pagdating
na aking kinainipan
at sa buong pusong pagtanggap
na di ko man lang inasahan
salamat.


Advertisements

hayan ka na naman

hayan ka na naman
nasasaktan mo ako
ng hindi mo alam
nambibitin, nangiiwan
baka maniwala na ako
wala ka ngang pakialam

hayan ka na naman
sa sarili mong mundo
malayo sa karamihan
nagiisa, nakikipagtaguan
samantalang heto ako
nais kang samahan

hayan ka na naman
sinisisi ang buong mundo
humihibik, nahihilam
humahawing pagdaramdam
sinusuyo ang pangako
na pinanis at iniwan

hayan ka na naman
sumasalok ng panibugho
napipilit, nauuyam
pero sige lang
heto lang naman ako
kakamping kasabayan

dahil
hayan ka na naman

paggising ko
heto muli ako

at
hayan ka na naman.

pangit

paningit
     pero di makalapit
pinilit
     pero di makasabit
naipit
     pero di makakapit
pumangit
     pero di nakakabuwisit

malupit
     pero di hagupit
masungit
     pero di nagalit
nagipit
     pero di kumupit
pumapangit
     pero di pilipit

ginamit
     pero di sinulit
naghigpit
     pero di sinapit
marikit
     pero di maiguhit
pumangit
     pero di yagit

humigit
     pero di naakit
nagpilit
     pero di iginiit
malimit
     pero di makulit
pangit
     pero di nambubuwisit

ikaw at siya

ikinulong sa mga bisig
na walang pasubali
handang tumanggap

ng pagkakamali
ng pagtutuwid
ng pagdaramdam
ng ganap at lahat
ng agam-agam.

ikinulong sa mga bisig
na hindi nagtatanong
kayang tumanggap

ng pagpapanibago
ng pasakit
ng multo
ng kasinungalingan
ng alinlangan.

ikinulong sa mga bisig
kahit hindi mabalikan
at pinanghinaan

ng pagasa
ng katotohanan
ng pangarap
ng kasiyahan
ng tapang.

ikinulong sa mga bisig
na walang maibigay
hindi na nasanay

ng panahon
ng pangako
ng sandali
ng paulit-ulit
ng pighati.

Ang Bathala ng Karma

Nabighani ang Bathala ng Karma
sa maindayog kong mga kataga;
dinurog ang kanyang damdaming
walang pansariling mithiin,
maibigay lang ang nararapat
sa nakararami, sa lahat.

Napagkit ang kanyang paningin,
isang dipang langit kung ako’y tanawin
ngunit abot kamay, kanyang inialay —
buong kalawakang pagdamay
mapahupa lang ang sangpatak
na luha, na tumitimo sa utak.

Mundo’y nagulo sa kanyang ginawa;
nakalimot na nga ang Bathala.
Halip ako’y laanan ng karampot na pansin,
gawain niya’y nabinbin.
Nagalit ang angkan ng mga diyos
sa akin; ako’y tao lamang at kapos.

Ang Bathala ng Karma’y napasunod,
sa harapan ko’y napaluhod;
Iniwang bakas ng pagmamahal,
isinumpa niyang lubusang magtatagal.
mga huling pangako niya’y nakaukit
sa bato, at sa aking isip.

Ito ang sabi ng Bathala ng Karma,
tanda ng kanyang pagtalima:
“Sa bawat magbibigay sa iyo ng dusa,
kapalit ay balik ng isang minutong ligaya;
Sa magpapalawak ng iyong
mga ngiti, bawas sa hirap nyang sinusuong.

“Sinumang dahilan ng iyong pag-iyak,
sa pagtangis siya’y isasadlak.
Silang hangad ay ‘yong kabutihan,
gagantihan ko ng kasaganaan.
Ang magsasabi sa ‘yo ng kabalintunan,
sa kanya magtatago ang katotohanan.

“Ang mangako sa ‘yo at hindi tumupad,
sa kawalang katuparan mapapadpad.
Siyang kumanti at sa ‘yo’y manakit,
sa sakit din mamimilipit.
Ang hihilom sa bawat mong sugat
di makakaramdam ng bala o sibat.

“Aarugain ko ang iyong mga kaibigan,
mga kaaway mo’y pagkakaitan.
Sa magsasamantala ng iyong kahinaan
babawian ko ng lakas at tapang.
Mangusap ka sa kapalaran, aking ibibigay,
abot ng kapangyarihan kong taglay.”

Kay raming di ko maipaliwanag
sa isipang tunay na nabagabag,
ang isiping ako’y maging dahilan
upang ibigay, malubos ang kapalaran.
Ang tangi kong nasabi kay Bathala
ng Karma, sa gitna ng pagkabahala:

“Salamat sa turing at kakaibang pansin,
ngunit hayaang hatulan hindi dahil sa akin.
Ikaw ang Bathala, higit na nakakaalam
puso at isip ng bawat kasanggalang.
Hindi ko masusukat bawat kong sakit
at galak, sa kapalaran nilang makakamit.

“Kung may kapalarang nais kong pagibayuhin,
iyon ay sa Iyo, ito lang ang mahihiling:
Gawing karapat-dapat silang may kakayahang
magbigay ng kapanatagan sa sangkatauhan.
Hanguin sa siphayo ang puspos sa lungkot
Alisin sa kaisipan ang pangit at buktot.

“Ikaw nga, Bathala, ang may kapangyarihang
baguhin ang buhay ng pantas at mangmang;
Sa nararapat, ibigay ang kapalarang dapat
ipagpalibang ako ang gawing panukat.
Silang aking kahalubilo sa araw-araw
ay may iba ring buti sa iba naipataw.

“Muli, aking hiling, hindi lang para sa akin
kapalarang sasapitin, iyong marapatin.
Bawat gawa namin, taos-puso man o paimbabaw,
sukatin ng pantay ang aming isip at galaw.
Silang dahilan ng pagtangis ko at paghalakhak,
sa iba marahil may naibigay at nailagak.

“Aking pasasalamat, sana iyong tanggapin,
Iyong timbangin ang aking hiling.
Damdamin kong nakadama ng saya at pait,
nakikiusap na sana’y huwag ipagkait —
tanawin akong muli mula sa malayo
at sukatin din ako ng aking isip at puso.”

%d bloggers like this: