Monthly Archives: April 2009

wagas

kapanatagang di napapagal —

minsa’y magiging wagas
pagkakatao’y habambuhay
sandaling walang humpay

dahil dinaya na ang panahon
inuna tila ang kahapon
bago pa masimulan
ang bukas na inaasam

dahil hinanap na kamalayan
inanod ng pagkaparam
tumahan na
aninong nagtago sa dusa

naglaho ang kasalukuyan
sa pagsukong walang hamon
nakakabingi
ang sagot na bulong

ngiting di nagmamaliw —

ngayo’y magiging wagas
pagkakatao’y lulubusin
sandali’y magtatagal din

dahil nagbigay ng panahon
nangangarap na kahapon
maaari ng simulan
ang bukas na inaasam

dahil di na namalayan
manhid na’ng nasasaktan
upang mapatahan
aninong nagtago sa kawalan

narito ang kasalukuyan
muling naghahamon
malilirip din
ang sagot na pabulong

sasabayan, aakayin
kakampihan, di lilimutin
magkasuyo, magkapiling
habambuhay pagdaraupin
tatanawin, ihahatid sa panalangin
ligayang hiling
na walang kahambing

%d bloggers like this: